Ang RH Bill at Ang Pag-protekta sa Buhay

     Mainit na usapan ngayon ang RH Bill, hindi kasi katulad ng ibang batas na naipanukala, ang pagpasa o hindi ng RH Bill ay makakaapekto sa mas maraming Pilipino--hindi lang iilang nakakaintindi sa batas na ginawa nila. Pro, Anti, o Undecided ka man, may opinyon ka pa rin dito.
   
     Sigaw ng mga Pro-RH Bill, dapat na itong ipasa para mapigilan o mabawasan man lang ang bilang ng populasyon ng mga Pilipino dahil hindi na nga kayang tustusan ng gobyerno ang lumulobong bilang ng mamamayang kailangan nilang pangalagaan (kung yun man ang ginagawa nila). Mas dumarami na kasi ngayon ang nagugutom at naghihirap na mga pamilya, at ang isang bagay na ipinagkakatulad ng mga mahihirap sa bansa natin ay ang pagkakaroon nila ng maraming mga anak.

     "Walang mapagkaabalahan, eh", isa sa mga katwiran ng mga mag-asawa kung bakit dumami ng isang dosena ng mga anak nila. Wala kasi silang trabaho, mula dito, tuloy-tuloy na, dugtong-dugtong, parang dominong isa-isang bumabagsak mula sa iisang pagtulak.

     Ito ang layon ng RH Bill na matugunan, ito mismong tuloy-tuloy, sunod-sunod na problema na nakapalibot sa salitang kahirapan. Kapag naisa-batas ang paggamit ng mga artipisyal na pagpigil sa pagbubuntis ng isang babae, mapipigilang madagdagan pa ang ating populasyon, mapipigilan ang pagdami ng anak ng mga mahihirap. Kapag kakaunti ang anak, mas makakayanan ng bawat mag-asawa na buhayin ng maayos ang kanilang anak. Mas matututukan, 'ika nga.

     Ayon naman sa Anti-RH Bill, ayaw nilang maisa-batas ang panukala. Labag ito sa iniutos ng Dakilang Lumikha na Humayo at Magparami. Kailangan nating iligtas, protektahan ang buhay. Sa pagpigil sa isang buhay na umusbong sa sinupupunan ng isang babae, isa nang kasalanan at paglabag sa iniutos ng Diyos.





     Pero ano nga ba ang buhay na dapat na protektahan? Iyong hindi pa nabubuo sa sinapupunan na hindi hinayaang makalasap ng buhay? O ang buhay mismo ng mga batang nagugutom, hindi nakakapag-aral, walang wastong kasuotan, walang maaasahang bubong na masisilungan, at walang maliwanag na kinabukasan dahil sa kahirapan?

     Sa usapin ng RH Bill, buhay ang pinaka-pinag-uusapan, pinaka-tinatalakay. Kung ano man ang pakahulugan mo sa salitang buhay, dun mo ibatay kung Pro ka ba o Anti.


Credits to Google for the pictures.


Xerlynjoy Lanaza
August 22, 2011 2:11pm

No comments:

Post a Comment

5 Days in Seoul: Day 3 - Nami Island, Petite France, and Myeongdong (Part 2 of 3)

Petite France, Gyeonggi Province, South Korea From Nami Island to Petit France, we simply rode the ferry back out then walked back to ...