Ako? Gusto ko na lang maging Kapwa para Tiba-Tiba!

     Okey, mahirap ang Pilipinas kaya dapat nagtutulungan ang bawat isa para mapaunlad ang pamumuhay. Nandiyan ang mga fun run: Takbo para sa Ilog Pasig, at iba pang ilog sa Pilipinas. Nandiyan ang iba't-ibang foundation ng tumutulong tuwing may bagyo; Kapuso, Kapamilya, Kapatid foundation. Nandiyan din ang mga institusyon tulad ng Bantay-Bata, Bantay-Kalikasan, o kahit Bantay-Bahay.

     Sabihin nang maitim talaga ang kalooban ko pero sa tuwing makakakita ako ng mga pribadong tao na gumagawa ng mga bagay na pampubliko, ang naiisip ko ay ito: "Wala ka talagang maasahan sa mga pinuno ng bayan. Trabaho nila ang asikasuhin at pangalagaan ang nasasakupan nila pero hindi nila ito ginagawa." Sa paglilinis na lamang ng ilog Pasig, hindi ko alam kung may mararating ba yun kung hindi pa tumulong ang kung sino-sinong artista na ikampanya ang pagsuporta sa pagkilos na ito.

     Sa tuwing may bagyo at kalamidad, mga ordinaryong tao din ang nakikita mong nag-aabot ng tulong sa mga nasalanta at naging biktima. Ang gobyerno? Pinag-aaralan pa kung ano ang dapat na gawing hakbang. Hindi naman sinasabi dito na iasa nang lahat sa gobyerno dahil una sa lahat, sarili mo ang dapat mong unang tulungan, which is ideal if you ask me so. May mga tao din kasing naghihintay lang ng tulong na akala mo eh may ipinatago.

Gawing isang halimbawa ang Joke na ito:


Bata 1: Gusto kong maging Duktor para makagamot ng kapwa
Bata 2: Gusto kong maging Nurse para maalagaan ang kapwa
Bata 3: Gusto kong maging Teacher para makapagturo ng kapwa
(pwede pang magtuloy-tuloy hanggang isang libong bata basta ang layunin ay ang makatulong sa kapwa)
at sa huli...
Bata 1001: Ako, gusto ko na lang maging kapwa, para tiba-tiba!

     Nakakatawa nung una kong marinig pero sa totoo lang, isa itong halimbawa ng biro na ang naging inspirasyon ay ang pang-araw-araw na buhay.

     Ang gusto talagang tumbukin dito ay ang usapin ng muli, paghingi ng tulong mula sa mamamayan para sa proyekto ng pamahalaan. Ipinanukala sa lungsod ng Quezon ang karagdagang buwis mula sa mamamayan nito upang mabigyan ng bahay ang may dalawang libong informal settlers sa nasabing lungsod. Okey na okey sana kasi mabibigyan ng bahay yung mga walang bahay at, ikagaganda din ito ng imahe ng mga taong makapagpapatupad nito dahil lalabas silang likas na matulungin.

     Pero sa likod ng magandang balita, nandun naman ang madilim na bahagi ng panukala--papasanin ng mga ordinaryong tao ang hindi naman nila responsibilidad, dahil kung sasabihin na nararapat lamang na gawin ng bawat nakakaangat sa buhay ang tulungan ang bawat nangangapos, aba, eh, ang sarap nga talagang maging "kapwa ".

     Ipagpalagay nating maisabatas ang panukala, magkaroon ng karagdagang buwis, at makalikom ng pondo para dito, makararating nga ba sa dapat puntahan ang pera? Kung oo, giginhawa na ba ang mga buhay nila? Marami pang usapin sa squatters area at mga informal settlers ang hindi ko na tatalakayin dahil ayoko na 'tong pahabain pa. Ang sa akin lang, kung tutulong ka, huwag lang basta maglagay ka ng tinapay sa hapag nila, tulungan mo din silang tulungan ang mga sarili nila. Dahil kung ang gusto mo lang eh maging duktor, nurse, o teacher para makatulong sa kapwa, sigurado, lumipas man ang maraming dekada, marami pa rin ang "kapwa".



Xerlynjoy Lanaza
October 11, 2011 12:42pm


mababasa mo ang balita tungkol sa housing project for informal settlers kapag sinundan mo ang link na ito.
http://www.abs-cbnnews.com/nation/metro-manila/10/06/11/qc-residents-face-new-taxes-squatters-housing

No comments:

Post a Comment

5 Days in Seoul: Day 3 - Nami Island, Petite France, and Myeongdong (Part 2 of 3)

Petite France, Gyeonggi Province, South Korea From Nami Island to Petit France, we simply rode the ferry back out then walked back to ...